Umabot sa rekord na $46.72 bilyon ang halaga ng merchandise exports ng Pilipinas sa unang anim na buwan ng taon, mas mataas ng 13% kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Ito na ang pinakamataas na first-half export value na naitala ng bansa mula nang simulan ang pangangalap ng datos noong 1991.
Pangunahing nagtulak sa paglago ng exports ang electronic products na umabot sa $26.10 bilyon o 56% ng kabuuang exports. Kabilang dito ang mga semiconductor na ginagamit sa artificial intelligence (AI) at data centers.
Nanatili namang pangunahing destinasyon ng mga produktong Pilipino ang Estados Unidos na umabot sa $8.44 bilyon o 18% ng kabuuang exports.
Ayon kay Trade Secretary Cristina Roque, patunay ang rekord na ito ng patuloy na pagsisikap ng mga exporters na maipalawak ang merkado ng mga produktong Pilipino sa buong mundo.
Samantala, tumaas din ng halos 18% ang imports ng bansa sa $77.53 bilyon, dahilan upang lumawak ang trade deficit sa $30.81 bilyon pagsapit ng katapusan ng Hunyo.










