--Ads--

CAUAYAN CITY – Inilatag ng Department of Agrarian Reform o DAR Region 2 ang mga programa nila sa isinagawang Usapang Pangkapayapaan, Usapang Pangkaunlaran ng Tactical Operations Group 2.

Sa naging pahayag ni Chief Agrarian Reform Program Officer Cristeto Acoba, kabilang sa mga kasalukuyang programa nila ay ang Support to Parcelization of Lands for Individual Titling o SPLIT.

Aniya, noong 1990 nang magkaroon sila ng collective titles o collective certificate of land ownership awards.

Ito ay ang mga titulo na ibinigay nila na ang nakapangalan ay dalawa o higit pa at kailangan na nila ngayong isa-isahin para mabigyan ng tig-iisang titulo ang mga agrarian reform beneficiaries.

--Ads--

Sa bisa ng Administrative Order No. 1 series of 2021 ay nagkaroon sila ng SPLIT program sa pagtutulungan ng World Bank at nang pamahalaan ng Pilipinas.

Hahatiin ang 1.3 milyon hectares ng collective land ownership awards at kailangang maibigay sa 750,000 agrarian reform beneficiaries.

Ang proyektong ito aniya ay nagkakahalaga ng 24.6 bilyon pesos.

Layon ng programang ito na matiyak ang security of tenure at mapalakas ang property rights ng mga agrarian beneficiaries.

Sa ilalim ng project SPLIT ay mayroon ding mga components at una ay ang Parcelization of collective Certificate of Land Ownership Award.

Sakop nito ang validation dahil kailangan nilang balikan ang mga nakalagay sa titulo para malaman nila kung kwalipikado ang bibigyan nila ng individual title.

Kailangan din nilang magsagawa ng survey para malaman nila kung ilang ektarya ang ibibigay sa bawat isa at kung saang banda ang pag-aari nila.

Kabilang na rin dito ang pagbibigay nila ng tig-iisang titulo.

Pangalawang component ay ang capability building at technical assistance dahil habang nagsasagawa sila ng Parcelization of collective Certificate of Land Ownership Award ay mayroon ding serye ng mga pagsasanay at technical assistance na binibigay sa kanilang mga program beneficiaries.

Pangatlong component ay ang Project Management and Monitoring and evaluation.

Ayon kay Acoba, mahalaga ito dahil kailangan din nilang imonitor ang kanilang mga benepisaryo.

Isa pa sa programa nila na kanilang ipinapatupad ay ang government own lands na sakop ng Executive order no. 75 series of 2019 at ang mga ari-arian na hindi ginagamit ng mga government entities ay kailangang ibalik sa DAR para maibigay sa mga kwalipikadong magsasaka.