CAUAYAN CITY – Palaisipan ngayon sa mga opisyal ng barangay Bannawag, Aurora, Isabela ang pag-atake ng mga galang aso sa mga alagang baka sa kanilang barangay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kapitan Melvin Rey Galingana ng Bannawag, Aurora, Isabela, sinabi niya na noong nakaraang taon ay mayroon nang nangyaring pag-atake sa alagang baka sa kanilang barangay subalit hindi na nila pinagtuunan ng pansin dahil iisa ang nabiktima.
Gayunman, ngayong taon ay naging sunud-sunod ang pag-atake sa mga alagang baka sa kanilang barangay at tatlo ang nadale na ikinamatay ng isa.
Maliliit pa ang mga baka na nagkakahalaga ng 20,000 pesos pababa.
Ayon kay Barangay Kapitan Galingana, naaktuhan nila mismo ang pag-atake at nakita nila ang tatlong galang aso.
Hinabol nila ang mga ito subalit hindi nila nahuli dahil tumawid sila sa ilog at ang kabila ng ilog ay bahagi na ng bayan ng San Mateo, Isabela.
Wala naman aniyang lahi ang mga aso kundi mga asong gala lamang.
Sa kanilang pagtatanong sa mga bayan ng Cabatuan at San Mateo, Isabela ay mayroon din umanong mga nabiktimang baka na maaring pinatay ng mga galang aso.
Ayon kay Barangay Kapitan Galingana, may panahon ng pag-atake ng mga aso at maaaring kapag sila ay gutom.
Sa ngayon ay hindi pa nila alam kung saan nagtatago ang mga aso dahil sa kanilang pagsuyod sa kanilang barangay ay hindi na nila nakita ang mga ito.
Mula nang hinabol nila ang mga aso ay wala nang nangyaring pag atake sa mga alagang baka sa kanilang barangay.
Ang ginagawa ngayon ng mga nag-aalaga ng baka sa kanilang barangay ay iniipon nila sa iisang lugar tuwing gabi at may magbabantay.










