Umaasa ang mga investors ng online investment na maibabalik ang perang kanilang ininvest matapos mag-issue ng cease-and-desist order ang Security Exchange Commission (SEC) sa Fidelity Capital Investment Group (FCIG) dahilan upang ma-freeze ang kanilang mga assets.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay alyas “Jeff,” sinabi niya na siya ay nahikayat ng kaniyang kakilala na mag-invest sa FCIG at dahil nakita nito na mabilisan ang pagdoble ng pera sa naturang investment ay nahikayat din siyang maglagak ng pera rito.
Marami rin aniyang investors ang nahihikayat na mag-recruit dahil ang bawat isang tao na kanilang ma-invite ay katumbas umano ng $50 bilang insentibo.
Aniya, nakakapag-withdraw naman ang ilan sa mga miyembro nito noong una subalit hindi na nakapag-labas ng pera si Jeff matapos na hindi na ma-access ang mga mobile applications na kanilang ginagamit sa transaksyon.
Batay sa kaniyang pagtaya, nasa mahigit 200 indibidwal ang nahikayat na mag-invest sa Angadanan, Isabela at mga kalapit na bayan nito.
Marami sa kanila ang umutang lang umano para makasali sa naturang investment kaya nais nilang maibalik ang kanilang pera kahit ang puhunan lamang na kanilang inilabas para rito.





