--Ads--

Dahil sa banta ng masamang panahon dulot ng dating bagyong “Maymay”, kinansela ng Premier Volleyball League (PVL) ang nakatakdang mga laro sa Santiago City ngayong Sabado.

Inilabas ng PVL ang pahayag kaugnay ng pagkansela ng nakatakdang PVL On Tour doubleheader sa Santiago Sports Arena sa Lungsod ng Santiago ngayong Agosto 8 dahil sa posibleng epekto ng masamang lagay ng panahon.

Ayon sa PVL, ginawa ang hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga manonood, manlalaro, opisyal, at mga kawani ng liga. Kabilang sa mga naantalang laban ang paghaharap ng ZUS Coffee at PLDT Home Fiber, gayundin ang sagupaan ng Capital1 at Creamline.

Samantala, maaaring maibalik nang buo ang bayad ng mga nakabili ng tiket sa pamamagitan ng mga susunod na anunsyo na ilalabas sa opisyal na mga channel ng TicketMax.

--Ads--

Tiniyak naman ng PVL sa kanilang mga fans na magbabalik sila sa Santiago City upang maghatid ng mas marami pang kapanapanabik na laro sa susunod na PVL All-Filipino Conference.