Nananatiling mataas ang presyo ng ilang pangunahing karne sa pamilihan sa Cauayan City, habang posible namang muling tumaas ang presyo ng baboy sa mga susunod na buwan kasabay ng inaasahang pagdami ng demand pagsapit ng holiday season.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Judith Dalmacio, isang meat vendor, sinabi nitong nasa ₱250 hanggang ₱260 kada kilo ang kasalukuyang presyo ng karneng baboy.
Mas mababa ito kumpara sa dating presyo na umaabot sa ₱280 hanggang ₱300 kada kilo.
Ayon kay Dalmacio, posibleng muling bumalik sa mas mataas na presyo ang karne ng baboy pagsapit ng Oktubre hanggang Disyembre dahil sa inaasahang pagtaas ng demand para sa mga pangunahing sangkap sa mga handaan at iba pang okasyon.
Ganito ang bahagi ng pahayag ni Ginang Judith Dalmacio.
VC-DALMACIO
Samantala, nananatili sa ₱200 hanggang ₱220 kada kilo ang presyo ng manok sa pamilihan.
Bahagya rin umanong gumalaw ang presyo ng ilang uri ng isda. Nasa ₱180 hanggang ₱200 kada kilo ang karaniwang galunggong, habang umaabot sa ₱220 hanggang ₱235 kada kilo ang Dagupan na galunggong.
Nasa ₱150 kada kilo naman ang kadis, habang naglalaro sa ₱150 hanggang ₱160 kada kilo ang presyo ng tilapia.
Nananatili rin sa ₱150 kada kilo ang presyo ng hito at wala pang naitatalang pagtaas sa kasalukuyan.
Patuloy namang babantayan ng mga tindero ang galaw ng presyo habang papalapit ang huling quarter ng taon, kung kailan karaniwang tumataas ang demand sa karne at iba pang pangunahing pagkain.











