--Ads--

Umaasa ang mga pamilya ng mga biktima ng “war on drugs” sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na hindi na muling maaantala ang paglilitis kaugnay ng kinahaharap nitong kaso sa International Criminal Court (ICC), kasunod ng pagkakaroon ng bagong legal counsel ng dating pangulo.

Matatandaang nagbitiw na si Atty. Nicholas Kaufman bilang lead legal counsel ni Duterte sa naturang kaso.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Neri Colmenares ng Bayan Muna, sinabi nito na matapos ang pagbibitiw ni Kaufman ay may bagong abogado nang hahawak at magrerepresenta kay Duterte sa mga susunod na pagdinig kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa madugong kampanya kontra droga ng nakaraang administrasyon.

Tiniyak naman ni Kaufman na ang bagong lead lawyer ay dadalo sa nakatakdang status conference sa Mayo 27, 2026, bilang bahagi ng pagpapatuloy ng legal proceedings sa ICC.

--Ads--

Dahil dito, umaasa ang mga pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings (EJK) na hindi na maaantala pa ang proseso at tuluyan nang uusad ang paglilitis upang makamit nila ang matagal na nilang hinihiling na hustisya.

Ayon kay Atty. Colmenares, ilang ulit nang humiling ng postponement ang kampo ni Duterte sa mga naunang pagdinig, taliwas aniya sa karaniwang sitwasyon ng mga nasasakdal na kadalasang nais mapabilis ang pagresolba sa kanilang kaso.

Para kay Colmenares, posibleng bahagi ito ng legal strategy ng kampo ng dating pangulo upang mapabagal ang usad ng kaso, lalo na kung nakikita nilang maaaring hindi maging pabor sa kanila ang mga susunod na developments sa paglilitis.

Binigyang-diin din niya na mahalaga ang pagpapatuloy ng proseso upang magkaroon ng pananagutan ang mga dapat managot at upang mabigyan ng pagkakataon ang mga pamilya ng mga biktima na marinig ang kanilang panig sa international court.