--Ads--

Umabot na sa humigit-kumulang sampung reklamo sa DILG Region 2 kaugnay sa umano’y hindi patas na pagpili ng mga benepisyaryo ng PBBM Scholarship Program sa ilang barangay sa rehiyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Philip Tamayo ang Local Government Operations Officer V ng DILG sinabi niya na karamihan sa mga reklamo ay may kinalaman sa proseso ng pagpili ng mga benepisyaryo, partikular ang umano’y kawalan ng transparency at hindi pantay na pagkakataon para sa mga kwalipikadong estudyante.
May ilan din umanong nagreklamo dahil hindi nila agad nalaman ang tungkol sa programa.

Ayon sa mga reklamong natanggap ng DILG, may mga barangay umanong huli nang nag-anunsyo tungkol sa scholarship, habang ang ilan naman ay sa group chat lamang nagbigay ng impormasyon at hindi sa kanilang official Facebook page o iba pang opisyal na paraan ng pagbibigay-abiso.

Ipinaliwanag naman ng DILG na batay sa DILG Memorandum Circular No. 2026-038, na inilabas noong Hulyo 2, ang mga reklamo at isyu hinggil sa implementasyon ng programa sa mga barangay ay dapat unang idulog sa LNB Grievance Channel o Liga ng mga Barangay.

--Ads--

May nakatalagang email address, help desk at contact number ang naturang grievance channel para sa mga nais magsampa ng reklamo.

Nilinaw ng DILG na pangunahing tungkulin nito sa ilalim ng guidelines ang pagmo-monitor sa implementasyon ng programa, kabilang ang disbursement at compliance ng mga barangay.

Samantala, kung may reklamo na na-verify ngunit hindi pa rin naaaksyunan matapos idulog sa kinauukulang grievance channel, maaari itong i-file sa concerned sanggunian, alinsunod sa Section 61 ng Local Government Code, o kaya naman ay direktang idulog sa Office of the Ombudsman.

Posible rin umanong humarap sa administrative case ang mga barangay officials kung mapatutunayang may paglabag sa pagpapatupad ng programa.

Gayunman, sinabi ng DILG na kinakailangan munang ma-verify ang mga reklamo at maitatag ang mga kaukulang ebidensya bago magkaroon ng kaukulang aksyon.

Hinikayat din ng ahensya ang mga complainant na magsumite ng mga ebidensya tulad ng screenshots, recordings at iba pang dokumento na makatutulong sa pag-iimbestiga sa kanilang mga reklamo.

Maaaring makipag-ugnayan ang publiko sa DILG Region 2 sa pamamagitan ng kanilang opisyal na email at Facebook page upang maitala at maiparating ang kanilang mga concerns.

Samantala, kung may alegasyon naman ng harassment o cyberbullying laban sa mga nagrereklamo, sinabi ng DILG na maaari rin itong isama sa reklamo at isailalim sa kaukulang fact-finding at imbestigasyon.

Sa ngayon patuloy naman ang pagtanggap ng DILG Region 2 ng mga reklamo kaugnay sa implementasyon ng programa.