--Ads--

Nilinaw ng Provincial Focal Person ng Bawat Barangay Makikinabang o BBM Program sa Isabela ang mga pamantayan at proseso sa pagpili ng mga benepisyaryo ng scholarship, kasunod ng mga reklamong natanggap kaugnay sa pagpili ng scholars sa ilang barangay.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ian Michael Pascual, Provincial Focal Person ng BBM Program sa Isabela, sinabi nito na nakabatay ang pagpili sa DILG Memorandum Circular No. 2026-038, na nagtatakda sa mga kwalipikasyon ng mga maaaring makatanggap ng educational assistance.

‎Sa ilalim ng guidelines, limang eligible students lamang ang maaaring mapili sa bawat barangay sa pamamagitan ng Committee on Education ng Sangguniang Barangay, with the concurrence ng Sangguniang Barangay na makatatanggap ng ₱20,000 bawat isa.

‎Pangunahing target ng programa ang mga incoming fourth-year college students para sa School Year 2026-2027 na residente ng barangay, kabilang sa vulnerable household, at at risk na hindi makapagtapos ng pag-aaral.

--Ads--

‎Maaari ring isaalang-alang ang mga estudyanteng nagmula sa pamilya na wala pang college graduate.

‎Samantala, nilinaw ni Pascual na hindi ipinagbabawal ng guidelines ang pagiging kamag-anak ng isang elected o appointed barangay official, basta’t natutugunan ng estudyante ang lahat ng itinakdang eligibility criteria.

‎Gayunman, kung mapatutunayang hindi naman kabilang sa vulnerable household ang isang napiling beneficiary ngunit nakatanggap pa rin ng assistance, sinabi ni Pascual na maaari itong maituring na paglabag sa guidelines.

‎Kasabay nito, binigyang-diin niya na hindi maaaring hati-hatiin ang ₱20,000 assistance o dagdagan ang bilang ng beneficiaries upang mas maraming estudyante ang mabigyan.

‎Ayon sa kanya, nakatanggap na ang kanilang tanggapan ng ilang reklamo sa Isabela, kabilang ang mga alegasyon na may kamag-anak ng barangay officials na napiling beneficiary at may ilang barangay na hinati-hati umano ang pondo sa higit limang recipients.

‎Hinimok naman ni Pascual ang mga may reklamo na lumapit sa kanilang local DILG officials o gamitin ang grievance mechanism ng programa upang maimbestigahan ang anumang umano’y paglabag sa guidelines.