Agad na inilikas ng lokal na pamahalaan ng Agoncillo, Batangas, ang mga residenteng nakatira malapit sa Bulkang Taal noong Huwebes ng gabi, Oktubre 8, bilang pag-iingat matapos ang naitalang phreatomagmatic eruption ng bulkan.
Pinangunahan ni Mayor Atty. Cinderella Valenton-Reyes ang paglikas sa tulong ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, Municipal Social Welfare and Development Office, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, at Philippine Coast Guard.
Pansamantalang tumutuloy ang mga inilikas na residente sa PAGCOR Socio-Civic Center at sa mga tahanan ng kanilang mga kaanak.
Ayon sa lokal na pamahalaan, prayoridad ang kaligtasan ng mga residenteng malapit sa bulkan dahil sa posibleng epekto ng mga ibinubugang volcanic gas, kabilang ang sulfur, na maaaring makairita at makapinsala kapag nalanghap.
Patuloy naman ang monitoring ng lokal na pamahalaan sa aktibidad ng Bulkang Taal at ang kahandaan ng mga kinauukulang tanggapan na tumugon sa pangangailangan ng mga residente.
Nauna nang naitala ng PHIVOLCS ang minor phreatomagmatic eruption sa main crater ng Bulkang Taal. Nagbabala rin ang ahensya sa posibleng ash fall sa Agoncillo, Lemery, San Nicolas, Taal at iba pang kalapit na lugar sa Batangas.











