Iniulat ng mga opisyal ng Iran ang pagkasira ng hindi bababa sa dalawang tulay, railway infrastructure, at isang pangunahing highway matapos ang serye ng airstrikes na isinagawa ng United States at Israel.
Kabilang sa tinamaan ang isang tulay malapit sa lungsod ng Qom at isa pang tulay na dinaraanan ng riles sa Kashan. Ayon sa mga awtoridad, dalawang katao ang nasawi at tatlo ang sugatan sa nasabing lungsod.
Isinara rin ang isang pangunahing highway sa hilagang bahagi ng bansa na nag-uugnay sa Tabriz at Tehran matapos itong tamaan ng pag-atake. Samantala, iniulat din ang pinsala sa railway tracks sa Karaj, habang kinansela ang lahat ng biyahe ng tren papunta at mula sa Mashhad kasunod ng babala mula sa Israel.
Dulot ng mga pag-atake, nagkaroon din ng power outage sa ilang lugar sa Karaj at Fardis matapos masira ang power lines at substation. Sa kabila nito, kinumpirma ng militar ng Israel na nagsagawa sila ng malawakang operasyon laban sa mga tinukoy na “infrastructure sites,” habang nagbabala naman si U.S President Donald Trump na maaari pang targetin ang iba pang imprastruktura ng Iran kung hindi matatapos ang sigalot.











