--Ads--

Inaresto sa Prague, Czech Republic ang puganteng si dating Ako Bicol Representative Zaldy Co matapos umano itong pumasok sa nasabing bansa nang walang tamang dokumento, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Huwebes, Abril 16, 2026.

Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng Czech authorities si Co habang nakikipag-ugnayan ang pamahalaan ng Pilipinas upang maisagawa ang mga legal na hakbang para sa kanyang agarang pagbabalik sa bansa.

Matatandaan na nahaharap si Co sa ilang kasong kriminal kaugnay ng umano’y katiwalian sa national budget, partikular sa mga proyektong pang-imprastraktura.

Iniuugnay rin siya sa isang kumpanyang nakakuha ng bilyong pisong kontrata sa gobyerno, kabilang ang isang flood control project na nagkakahalaga ng P289 million sa Naujan, Oriental Mindoro na sinasabing substandard.

--Ads--

Magugunitang nagtago si Co mula pa noong Hulyo 2025 matapos mabunyag ang mga umano’y anomalya sa paggastos ng pondo ng pamahalaan. Kalaunan ay nagbitiw siya sa kanyang puwesto sa Kongreso matapos hindi tumugon sa panawagang bumalik sa bansa.

Samantala, itinanggi ni Co ang mga paratang laban sa kanya. Ayon sa kanya, may banta sa kanyang buhay at pulitikal umano ang mga kasong isinampa laban sa kanya. Iginiit din niyang ginawa niya ang ilang desisyon sa budget insertions batay sa utos ng Pangulo.

Sa kasalukuyan, wala pang ibinibigay na eksaktong petsa para sa extradition ni Co habang nagpapatuloy ang mga legal process para mapauwi si Co mula sa Czech Republic.