Matagumpay ang ikinasang na operasyon ng mga awtoridad laban sa isang lalaking nasangkot sa pamamaril na nagresulta sa pagkasugat ng isang magsasaka sa Brgy. Calinaoan Sur, Delfin Albano, Isabela.
Nitong Abril 16, 2026, umaga, naganap ang pamamaril sa Purok 6, Brgy. Calinaoan Sur, na nagdulot ng pagkasugat ni Michael Melad, isang magsasaka at residente ng lugar na kasalukuyan nang nasa pagamutan at nagpapagaling.
Unang nakatanggap ng ulat ang pulisya sa insidente na nagresulta ng agad na hot pursuit operation na pinangunahan ng pinag sanib na pwersa ng Delfin Albano Municipal Police Station (MPS), Provincial Intelligence Unit ng Isabela Police Provincial Office (PIU-IPPO), Sto. Tomas MPS, 1st Isabela Provincial Mobile Force Company (IPMFC), at Regional Mobile Force Battalion 2 (RMFB2).
Bandang tanghali, naabutan ng mga operatiba ang mga suspek sa Brgy. Barunbun, Sto. Tomas, Isabela na nauwi sa armed encounter.
Nasawi ang isang suspek na kinilalang si alyas “Nic”, umano’y lider ng nabuwag na Magsanoc Criminal Group at kabilang sa drugs watchlist.
Samantal, naaresto ang dalawang suspek na sina alyas “Jojo”, isang High-Value Individual (HVI) na nasa drugs watchlist, at alyas “Roger”, kapwa residente ng Isabela.
Ang mga naarestong suspek ay nasa kustodiya ng pulisya at sasampahan ng kaukulang kaso habang nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon ng Provincial Investigation and Detective Management Unit (PIDMU) ng Isabela PPO katuwang ang Delfin Albano Police Station at Sto. Tomas Police Station, habang ang SOCO team ay nagsasagawa ng crime scene processing para sa karagdagang ebidensya.











