Inihayag ng Holy See Press Office na ang Misa Pro Eligendo Romano Pontifice, o ang Misa para sa paghalal ng bagong Santo Papa, ay isasagawa sa Miyerkules, Mayo 7, 2025, ganap na alas-10 ng umaga sa St. Peter’s Basilica na pangungunahan ni Cardinal Giovanni Battista Re, Dekano ng College of Cardinals.
Samantala, sa Lunes, Mayo 5, 2025, bandang alas-5:30 ng hapon , isasagawa ang panunumpa ng mga opisyal at kawani ng Conclave sa Pauline Chapel ng Vatican Apostolic Palace. Kabilang sa mga manunumpa ang mga pari, madre, doktor, guwardiya, at iba pang personnel na magsisilbi sa panahon ng Conclave.
Pormal na magsisimula ang Conclave sa Miyerkules, Mayo 7, sa ganap na alas-4:30 ng hapon, kung kailan papasok sa Sistine Chapel ang mga Cardinal Electors upang simulan ang proseso ng pagboto para sa susunod na Santo Papa.
Ang mga Cardinal ay magsusuot ng kanilang tradisyonal na kasuotang pansimbahan at lalahok sa isang espiritwal na prusisyon patungong Sistine Chapel habang inaawit ang Veni Creator Spiritus.
Ipatutupad ang mahigpit na seguridad sa buong Vatican, at tanging awtorisadong mga indibidwal lamang ang papayagang makapasok sa loob ng Conclave.