--Ads--

Kusang-loob na isinuko sa mga awtoridad ang isang MK2 hand grenade na natagpuan ng isang 36-anyos na babae habang nililinis ang kanyang bagong nilipatang boarding house sa Barangay Batal, Santiago City.

Batay sa ulat ng Police Station 4 ng Santiago City Police Office, dakong alas-10:38 ng umaga noong Hunyo 17 nang madiskubre ng residente ang naturang pampasabog sa loob ng kanyang inuupahang silid sa Phase 2, Saint James Subdivision.

Agad niyang iniulat ang insidente sa mga awtoridad, dahilan upang rumesponde ang mga operatiba ng Police Station 4 at makipag-ugnayan sa Explosive Ordnance Disposal (EOD) Team ng Santiago City para sa ligtas na pagkuha at pagseseguro sa granada.

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng EOD Unit ng Santiago City ang MK2 hand grenade para sa kaukulang pagsusuri at disposisyon alinsunod sa umiiral na mga protocol ng Philippine National Police (PNP).

--Ads--

Samantala, muling pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na huwag gagalawin ang anumang kahina-hinalang bagay na maaaring pampasabog at agad itong iulat sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya upang maiwasan ang anumang panganib o insidente.