Inireklamo ng mga residente ng Brgy. Gappal ang napakaraming mga langaw na nagmumula sa isang poultry na nakakaapekto na sa kanilang kalusugan.
Bukod pa rito ang perwisyong dulot ng mabahong amoy ng mga dumi ng manok na nakakaabot sa kanila lalo na tuwing hapon.
Naapektuhan na rin ang mga nag aalaga ng mga baboy kung saan ang ilan ay namamatayan ng alaga dahil sa pinupuntahan ito at pineperwisyo ng mga langaw.
Ngunit ang pinakaikinakabahala ng ilang residente ay naapektuhan na ang kanilang kalusugan pangunahin na ang mga bata dahil sa nagkalat na langaw.
Isa sa mga nakaranas ng sakit ay ang anak ni Krezel Cardenas residente ng naturang Barangay na aniya umaga nitong Linggo nang mapansin niya ang kaniyang anak na pabalik balik at matagal sa banyo.
Tinanong niya ito kung napaano ngunit ang pahayag ng bata ay masakit lamang umano ang tiyan nito hanggang sa nagduduwal.
Ayon kay Krezel, maingat siya at mahigpit pagdating sa pagkain ng kaniyang anak dahil ito ay sakitin, kaya ang suspetsa niya ay dahil ito sa mga nagkalat na langaw.
Batid naman umano niya na kumpleto sa papeles ang poultry farm kaya ang pakiusap nalang niya ay gawan ng paraan ng may-ari upang hindi lumala ang sitwasyon.
Aniya, hindi naman sila maarte o maselan ngunit iba na aniya ang usapan kung kalusugan na ng kanilang anak.
Samantala, inihayag ni Kapitan Joselito Ortiz, na hindi ito ang unang beses na naging usapin sa kanilang barangay ang perwisyong dala ng mga langaw na nagmumula sa nasabing farm.
Nakausap na aniya ng kanilang hanay ang may ari ng farm upang masolusyunan ang isyu.
Ayon sa Kapitan, inaksyunan na nila ang nasabing suliranin sa pamamagitan ng pakikipag ugnayan sa mga awtoridad at maging sa mga may ari ng farm.