Umakyat na sa anim ang bilang ng mga nasawi dahil sa matinding pag-ulan dulot ng mga bagyong Luis at Maymay at ng Habagat, ayon sa NDRRMC.
Dalawang nasawi ang naitala sa La Trinidad, Benguet dahil sa landslide; dalawa sa Rodriguez, Rizal dahil sa rockslide; at dalawa sa La Union dahil sa pagkalunod at electrocution. Pitong iba pa ang nasugatan.
Aabot naman sa 261,048 katao ang naapektuhan ng baha, landslide at iba pang insidenteng may kaugnayan sa panahon, habang 7,580 indibidwal ang pansamantalang nanunuluyan sa 83 evacuation centers.
Nagbigay na rin ang pamahalaan ng mahigit P7.3 milyong halaga ng food at non-food assistance sa mga apektadong komunidad.
Sa Romblon, 12 katao mula sa tatlong pamilya ang inilikas ng Philippine Coast Guard sa Odiongan dahil sa pagtaas ng tubig-baha.
Samantala, binuksan ang lahat ng gate ng Ambuklao at Binga dams sa Benguet habang patuloy ding tumataas ang water level ng Magat Dam sa Ramon, Isabela dahil sa malalakas na pag-ulan.










