--Ads--

CAUAYAN CITY – Natagpuan ang bangkay ng isang babae sa isang Farm sa Brgy. San Vicente, Tumauini, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Melchor Aggabao, Hepe ng Tumauini Police Station, sinabi niya na natagpuan ilang residente sa lugar ang wala nang buhay na katawan ng isang babae nang sila ay papunta sana sa bukid.

Aniya, noong una ay walang pagkakakilanlan ang biktima maliban sa suot nito na itim na sando blouse at green na shorts kaya naman nakipag-ugnayan sila sa mga karatig na himpilan ng Pulisya.

Agad namang tumawag sa kanila ang Ilagan City Police Station dahil nagreport sa kanila si Rackan Dela Cruz Pahimna ng Calamagui 1st, City of Ilagan na nawawala umano ang live-in partner nito.

--Ads--

Nakumpirma naman niya  na ang bangkay na natagpuan sa bayan ng Tumauini ay ang kaniyang live in partner na si Camille Balayan.

Ayon kay Rackan, nagkaroon umano sila ng pagtatalo ng kaniyang live-in partner dahil sa selos dahilan upang umalis ang biktima sa kanilang bahay.

Ngunit pagsapit umano ng alas siete ng gabi ay nagtext pa sa kaniya ang biktima na pauwi na siya ng bahay ngunit hindi na ito nakauwi pa.

Isasailalim naman sa Autopsy ang katawan ng biktima upang matukoy kung ano ang sanhi ng pagkamatay nito lalo na at may nakitang mga galos sa kaniyang leeg at dugo sa kaniyang tainga.

Ayon kay PMaj. Aggabao, posible rin na hindi nangyari sa bayan ng Tumauini ang pagpatay at itinapon lang umano ang bangkay doon.

Mayroon naman na aniya silang lead kung sino ang suspek lalo na at may nakitang tire mark ng sasakyan sa lugar kung saan natagpuan ang biktima, bagay na kahina-hinala dahil wala naman umanong pumapasok na 4 wheels na sasakyan sa lugar.