--Ads--

Binigyang-diin ng Department of Tourism (DOT) Region 2 ang kahalagahan ng paggunita sa Araw ng Kalayaan bilang paalala sa sakripisyo ng mga ninuno para makamit ang kasarinlan ng bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Troy Alexander Miano, Regional Director ng DOT Region 2 at local historian, sinabi niya na nagsimula ang Araw ng Kalayaan sa tagumpay ng mga Pilipino laban sa mahigit tatlong siglong pananakop ng mga Kastila, na nagbigay-daan sa pagkakaroon ng sariling pagkakakilanlan, pamahalaan at kalayaan ng bansa.

Ayon sa kanya, hindi dapat ituring na simpleng holiday lamang ang pagdiriwang ng Independence Day dahil ito ay pagkakataon upang balikan ang kasaysayan at pahalagahan ang kalayaang tinatamasa ng mga Pilipino sa kasalukuyan.

Aniya, lalo pang nagiging makabuluhan ang paggunita sa Araw ng Kalayaan sa gitna ng mga umiiral na usapin sa West Philippine Sea at iba pang hamon sa pambansang seguridad.

--Ads--

Binigyang-diin ni Dr. Miano na mahalagang manatiling mapagmatyag ang publiko dahil hindi dapat isinasantabi ang anumang banta sa soberanya ng bansa.

Sinabi rin niya na may mga pagkakataong ang mga banta sa isang bansa ay nagsisimula sa loob mismo ng lipunan kaya kinakailangang maging alerto ang mga mamamayan at agad na ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad na maaaring makaapekto sa kapakanan ng bansa.

Ayon pa sa opisyal, hindi kinakailangang magsuot ng uniporme, maging sundalo o makibaka sa digmaan upang makapaglingkod sa bayan.

Aniya, ang pagiging responsableng mamamayan, pagiging mapagmatyag at pagbibigay ng kahit maliit na ambag para sa kapakanan ng bansa ay malaking tulong na sa pagpapanatili ng kalayaan at kaayusan.

Samantala, nakibahagi rin si Dr. Miano sa pagdiriwang ng ika-128 Anibersaryo ng Araw ng Kalayaan sa Cauayan City kasama ang iba’t ibang sektor ng lipunan at mga lokal na opisyal.

Sa kanyang mensahe, hinikayat ni Dr. Miano ang mga kabataan na pahalagahan ang kalayaang kanilang tinatamasa sa kasalukuyan, kabilang ang malayang pag-aaral, paglalakbay at pagpili ng landas na nais nilang tahakin sa buhay.

Aniya, ang mga pribilehiyong ito ay bunga ng pakikibaka at sakripisyo ng mga bayaning Pilipino.