Nagbabala ang National Center for Mental Health o NCMH sa mga magulang tungkol sa posibleng epekto sa mga bata ng paulit-ulit na panonood ng graphic at hindi beripikadong online content kaugnay ng mga insidente ng school shooting.
Ayon kay NCMH Medical Center Chief Dr. Noel Reyes, maaaring mapalala ng labis na exposure sa naturang content ang takot, kalituhan at emotional distress ng mga kabataan, kahit hindi sila direktang nakaranas ng insidente.
Maaari rin umano itong magdulot ng anxiety, hirap sa pagtulog at intrusive memories.
Dahil dito, hinikayat ng NCMH ang mga magulang na bantayan hindi lamang ang screen time ng kanilang mga anak kundi pati ang mga platform at content na kanilang kinokonsumo.
Binigyang-diin din ng ahensya ang kahalagahan ng mental health programs sa mga paaralan, anti-bullying initiatives at responsible digital citizenship upang maiwasan ang karahasan at matugunan agad ang mga batang nangangailangan ng suporta.






