Dumulog sa Bombo Radyo Cauayan ang isang magsasaka matapos umanong hindi tanggapin ng National Food Authority (NFA) ang kanyang aning palay dahil ito ay overdry o nasobrahan sa pagkatuyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Redentor Idmilao ng San Manuel, Isabela, sinabi niya na matapos ma-dry ang kanilang palay ay nagtungo siya sa bodega ng NFA upang magpaschedule sa pagbenta matapos nilang mabalitaan na mataas ang buying price ng NFA para sa bago at magandang klase ng palay.
Pagdating sa tanggapan ng NFA, sinabi umano sa kanya ng empleyado na overdry ang kanyang palay kaya hindi na nila ito maaaring bilhin, alinsunod sa kanilang panuntunan.
Giit naman ng magsasaka na wala silang tester kaya hindi nila maayos na natitiyak ang tamang antas ng pagkatuyo ng kanilang inaning palay.
Biniro pa umano siyang basahin na lamang ulit ang palay upang lumambot ng bahagya.
Giit ni Ginoong Idmilao na nais sana nilang magbenta sa NFA dahil mas mahal ang buying price kumpara sa mga private traders ngunit kung ganito ang patakaran ay marami ang mga magsasakang hindi makakapagbenta.
Aniya lagi naman silang nagbebenta sa NFA ngunit ngayon lamang niya naranasan ang hindi makapagbenta na ang rason ay dahil overdry ang kanyang palay.
Iginiit naman ng NFA Isabela na sumusunod lamang sila sa direktiba ng Central Office kaya hindi talaga nila tinatanggap ang overdry na palay kahit pa clean and dry itong maituturing.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Rhic Ryan Fabian, Acting Assistant Manager ng NFA Isabela, sinabi niya na kapag 11% pababa na ang moisture content ng palay ay hindi na tinatanggap sa NFA.
May itinakdang moisture content ang NFA na karaniwang nasa 14% at kapag masyadong tuyo, hindi na ito pasok sa quality specifications na kailangan para sa maayos na imbakan at pagproseso.
Kapag sobra ang pagkatuyo ng palay, nagiging marupok ang butil. Sa paggiling, mas marami ang nadudurog, kaya mas kaunti ang whole grains na makukuha.
Mahigpit ang procurement rules ng NFA para masigurong pare-pareho ang kalidad ng binibiling palay. Kahit maliit na deviation, tulad ng pagiging overdry ay maaaring maging dahilan ng rejection.
Samantala, iginiit ng isang rice trader na wala umanong dapat ituring na “overdried” na palay sa karaniwang kondisyon ng pagpapatuyo ng mga magsasaka.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ernesto Subia, presidente ng Rice Millers Association Region 2, sinabi niya na nararapat sumailalim sa mas masusing pagsasanay o seminar ang mga empleyado ng NFA upang maging mas wasto ang pagtukoy nila sa moisture content ng palay na kanilang binibili.
Ayon sa kanya, karamihan sa mga ani ng magsasaka ay sun-dried o ibinibilad lamang sa araw, kaya hindi umano agad masasabi na ito ay sobra ang pagkatuyo. Dagdag pa niya, kung dumaan man sa mechanical dryer ang palay, maituturing lamang itong overdry kung ito ay halos masunog o labis na natuyo butil ng palay.
Ipinaliwanag din niya na kung bagong ani ang palay, malabong bumaba agad sa 11% ang moisture content nito, lalo na kung natural drying lamang ang isinagawa.
Giit ni Ginoong Subia, sana ay maging mas maunawain at bukas ang NFA sa sitwasyon ng mga magsasaka na umaasang maibebenta ang kanilang ani, ngunit nauuwi sa pagkadismaya dahil sa mahigpit na pamantayan sa pagtukoy ng antas ng pagkatuyo ng palay.











