--Ads--

Hindi inaalis ng pamunuan ng National Irrigation Administration–Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) ang posibleng pagbubukas ng spillway gate ng Magat Dam sakaling lumaki ang volume ng tubig dulot ng low pressure area na nasa loob ng Philippine Area of Responsibility.

Sa Pre-Disaster Risk Assessment meeting ng Cagayan Valley Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (CVRDRRMC), sinabi ni Engr. Edwin Viernes ng NIA-MARIIS na bagama’t may inaasahang pagtaas ng tubig sa reservoir, hindi pa ito agad na mangangailangan ng pagbubukas ng gate. Magagamit muna umano ang karagdagang suplay ng tubig para sa power generation.

Gayunpaman, nananatiling nakaantabay ang NIA-MARIIS at hindi inaalis ang posibilidad ng gate opening.

Dagdag pa ni Viernes, patuloy nilang mino-monitor ang lagay ng watershed at ang daloy ng tubig sa dam upang masiguro ang kaligtasan ng mga komunidad sa downstream areas.

--Ads--

Kaugnay nito, tiniyak ng NIA-MARIIS na nakahanda at gumagana ang kanilang mga early warning system, kabilang ang mga sirena at public address system sa mga bayan na direktang dadaanan ng tubig gaya ng Ramon, San Mateo, Aurora, at iba pang lugar na nasa kahabaan ng Magat River.

Hinimok din ng ahensya ang mga lokal na pamahalaan at residente na manatiling alerto at makinig sa mga abiso ng disaster officials lalo na kung lalakas pa ang epekto ng low pressure area.