--Ads--

Ipinaliwanag ng Land Transportation Office (LTO) ang dahilan ng pag-impound sa isang sasakyan na iniuugnay sa social media page na “Smoke Machine PH” na nagpo-post ng mga video ng umano’y ilegal na drag racing na nag-viral online.

Ayon sa LTO, ang impounded na silver na Toyota Innova ay isa sa mga lumabas sa mga content ng naturang Facebook page, kung saan makikitang sangkot sa mapanganib na karera sa kalsada na isang malinaw na paglabag sa mga batas-trapiko tulad ng reckless driving at unauthorized use of public roads para sa racing.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Assistant Regional Director Venancio Tuddao ng LTO Region 2, sinabi nitong second offense na ng may-ari na si Roberto Uson ang paglabag sa reckless driving. Noong 2024, unang naglabas ng show cause order (SCO) ang LTO Region 2 laban sa kanya, na sinundan pa ng panibagong SCO mula sa Central Office noong 2025.

Dahil sa paulit-ulit na paglabag, tuluyang nirevoke ng LTO ang kanyang driver’s license. Gayunman, hindi ito isinuko ni Uson sa ahensya, na isa ring paglabag sa umiiral na regulasyon ng LTO.

--Ads--

Sa kabila nito, muling nasangkot si Uson sa panibagong insidente matapos siyang mag-upload ng video sa social media kung saan makikitang gumagamit siya ng blinking light na ipinagbabawal sa mga pribadong sasakyan alinsunod sa batas laban sa illegal use of sirens and blinkers.

Noong Enero 2026, nagtungo ang LTO Region 2 sa kanyang tirahan sa Cauayan City upang i-serve ang resolusyon kaugnay ng kanyang kaso, ngunit wala siya roon at napaulat na nasa Baguio City.

Sinundan pa ito ng panibagong request mula sa Central Office noong Pebrero 2026 hinggil sa implementasyon ng revocation ng kanyang lisensya, subalit muli siyang hindi naabutan sa kanyang bahay.

Sa huli, noong Abril 15, 2026, naglabas na ng impounding order ang LTO Central Office laban sa kanyang sasakyan. Agad itong ipinatupad ng mga awtoridad sa pamamagitan ng pagtungo sa kanyang tirahan at pagkuha sa naturang sasakyan.

Binigyang-diin ng LTO na mahigpit nilang ipinatutupad ang batas laban sa ilegal na drag racing at iba pang mapanganib na gawain sa kalsada, alinsunod sa mandato ng ahensya na tiyakin ang kaligtasan ng publiko at kaayusan sa lansangan.