--Ads--

Hindi inaalis ni Senator Imee Marcos ang posibilidad ng No-El o No Election sa 2028.

Kasunod ito ng pagsasabatas ng Republic Act No. 12326 na nagtatakda ng limang taong termino para sa mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan at naglilipat ng susunod na Barangay at SK Elections o BSKE sa Nobyembre 2028.

Ayon kay Marcos, kuwestiyonable umano ang kapangyarihan ng Kongreso na magtakda ng termino ng mga lokal at pambansang halal na opisyal.

Iginiit din niya na kailangang suriin ang mga probisyon ng Omnibus Election Code kaugnay ng pagpapaliban ng halalan, partikular kung maaari itong ilapat sa buong bansa at sa pangmatagalang panahon.

--Ads--

Nagbabala si Marcos na hindi dapat maging kampante ang publiko dahil posible umanong magkaroon ng mga hakbang na maaaring magresulta sa pagpapaliban ng iba pang halalan.

Gayunman, ang kasalukuyang RA 12326 ay partikular na nagtatakda ng susunod na BSKE sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028 at hindi nito ipinagpapaliban ang 2028 national at local elections.