--Ads--

CAUAYAN CITY – Humingi ng tulong sa pamahalaan ang anak ng isang Overseas Filipino Worker (Ofw) na inabuso at pinatay ng kanyang amo sa Kuwait.

Uuwi sana kahapon sa bansa ang  biktimang si Constancia “Connie”  Dayag ng Dalenat, Angadanan, Isabela matapos ang apat na taong pagtatrabaho sa Kuwait.

Si Constancia  ay 47 anyos, biyuda at may tatlong anak.

Ang kanyang panganay na isang lalaki ay mayroon nang asawa habang ang ikalawang anak na si Lovely Jane ay accountant sa isang kompanya sa  Makati City at ang bunso na 14 anyos ay nasa grade 8.

--Ads--

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lovely Jane, sinabi niya  na sasalubungin sana niya kahapon sa airport ang kanyang nanay ngunit noong gabi bago ang kanyang flight  ay hindi na niya makontak ang kanyang ina maging ang kanyang employer. 

Nalaman niya ang pagkamatay ng kanyang ina nang tumawag ang kanyang Tita Violy Cagabi ng Gamu, Isabela na pinuntahan siya ng mga kawani ng  Overseas Workers Welfare Administration (OWWA)  para ipabatid ang pagkamatay ng ina  sa Kuwait. 

Sinabi ni Lovely Jane  na huli silang nagkausap ng kanyang ina noong Mayo 6, 2019 at sinabing uuwi kahapon.

Aniya, may mga nabanggit na ang kanyang ina hinggil sa hindi maayos na pagtrato ng kanyang amo ngunit  palaging sinasabi na okey lang siya para hindi sila mag-alala.

Ang kanyang  kuya ang nakakita minsan sa kanilang video call  na may mga pasa sa mukha ang kanilang ina ngunit  sinabi na huwag sabihin sa kanya dahil ayaw niyang  nag-aalala siya sa kanya.

Kaninang umaga ay pumunta si Lovely Jane sa tanggapan ng Department of Labor and Employment (DOLE) para humingi ng tulong upang  maiuwi ang bangkay ng kanyang ina at hingin na bigyan ng hustisya ang kanyang pagkamatay.

Samantala, sinabi  ni Gng. Violy Cagabi, kapatid ni Constancia na nagulat siya nang may dumating na empleado ng OWWA  at ipinabatid sa kanya ang pagkamatay ng kanyang ate sa Kuwait.

Ang tinig ni Lovely Jane Dayag