Bumagal ang paglago ng cash remittances ng mga overseas Filipino workers o OFWs noong Marso matapos maapektuhan ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at epekto ng tensyon sa Middle East na nagdulot ng pandaigdigang oil shock.
Batay sa pinakahuling datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP, umabot lamang sa 2.3 porsyento ang itinaas ng cash remittances na dumaan sa mga bangko kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, o katumbas ng 2.87 bilyong dolyar noong Marso.
Ito na ang pinakamabagal na paglago ng remittances mula noong Hunyo 2023 kung saan nakapagtala lamang ng 2.1 porsyentong pagtaas.
Sa kabuuan ng unang quarter ng taon, umabot sa 8.68 bilyong dolyar ang cash remittances, na may paglagong 2.8 porsyento at katumbas ng 7.4 porsyento ng gross domestic product o GDP ng bansa.










