Nananawagan ng agarang tulong ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Abu Dhabi matapos makaranas ng matinding takot dulot ng mga umano’y naririnig na pagsabog sa kanilang lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Rocel Esteban Galupo, ibinahagi nito ang kanyang pangamba sa kasalukuyang sitwasyon sa Abu Dhabi kung saan nakakarinig umano sila ng sunod-sunod na malalakas na ingay na hinihinalang pagsabog, lalo na kapag sila ay bumibisita sa bahay ng ina ng kanyang amo.
Ayon kay Galupo, bagama’t hindi nila aktuwal na nakikita ang pinagmumulan ng mga pagsabog, malinaw umano ang mga tunog na kanilang naririnig, na nagdudulot ng matinding takot sa kanya.
Sinabi pa ng OFW na ito ang kauna-unahang pagkakataon na naranasan niya ang ganitong sitwasyon sa loob ng mahigit dalawang taon niyang pananatili sa abroad.
Dagdag pa niya, mas madalas umano nilang naririnig ang mga pagsabog kapag napupunta sila sa Ras Al-Khaimah, na aniya’y mas malapit sa pinagmumulan ng mga ingay, habang medyo madalang naman ito sa kanyang kasalukuyang kinaroroonan.
Samantala, nabanggit din ni Galupo na may mga ulat umano ng paghihigpit sa seguridad sa Dubai, bagama’t ayon sa kanyang mga kaanak doon ay nananatiling maayos ang sitwasyon.
Dahil sa nararanasang pangamba, nakiusap na si Galupo sa kanyang amo na pansamantalang makauwi ng Pilipinas, subalit pinayuhan umano siyang maghintay hanggang matapos ang Ramadan.
Sinubukan na rin umano niyang makipag-ugnayan sa Department of Migrant Workers (DMW) sa UAE upang humingi ng tulong, ngunit ayon sa kanya ay isang pagkakataon lamang siyang nakatanggap ng tugon at wala nang kasunod na aksyon.
Sa kabila nito, hindi pa umano niya ipinapaalam sa kanyang pamilya sa Pilipinas ang kanyang sitwasyon upang hindi na sila mag-alala.
Sa huli, muling nanawagan si Galupo sa pamahalaan ng Pilipinas na sana ay matulungan siyang makauwi sa bansa sa lalong madaling panahon dahil sa patuloy na pangamba sa kanyang kaligtasan.











