Nakatakdang magsampa ngayong Lunes sa Sandiganbayan ang Office of the Ombudsman ng kasong plunder laban kay dating House Speaker at Leyte 1st District Representative Martin Romualdez kaugnay ng umano’y pagkakasangkot nito sa mga maanomalyang flood control project, ayon sa mga source.
Kasunod nito, nanawagan ang kampo ni Romualdez sa Ombudsman na tiyakin ang patas na proseso at mabigyan sila ng pagkakataong tumugon sa anumang bagong alegasyon laban sa dating House Speaker.
Ayon kay Ade Fajardo, legal counsel at spokesperson ni Romualdez, nais nilang malaman kung may anumang alegasyon laban sa kanilang kliyente na nagmula kay dating Public Works Secretary Manuel Bonoan, lalo na sa gitna ng mga ulat na maaari umanong ma-pressure si Bonoan na iugnay si Romualdez sa flood control scandal.
Hiniling din ng kampo ni Romualdez na mabigyan sila ng sapat na panahon upang makapagbigay ng tugon habang nasa preliminary investigation stage pa lamang ang usapin, sa halip na matapos nang maisampa ang kaso sa korte.
Bukod dito, humingi rin ang kanyang mga abogado ng impormasyon tungkol sa iniulat na 28 bagong testigo sa Ombudsman, kabilang ang anumang pahayag ng mga ito na maaaring magdawit kay Romualdez.
Unang naiuugnay si Romualdez sa umano’y maanomalyang flood control projects noong Setyembre 2025 matapos ihayag ng mga contractor na sina Curlee at Sarah Discaya ang mga pangalan ng ilang kongresistang umano’y humingi ng kickback sa mga proyekto sa isinagawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.
Kabilang sa mga nabanggit ng mag-asawang Discaya si dating Quezon City 4th District Representative Marvin Rillo.
Ayon kay Curlee Discaya, ilang beses umanong binanggit ni Rillo ang pangalan ni Romualdez at tinukoy itong malapit niyang kaibigan.
Itinanggi naman noon ni Romualdez ang alegasyon at itinuring itong maling pahayag at pagtatangkang idawit lamang ang kanyang pangalan.











