--Ads--

Tinawag ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na “ghost electricity” ang umano’y pagkabigo ng Solar Energy Network ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste na makapaghatid ng ipinangakong suplay ng kuryente para sa bansa.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Remulla na kung may mga iniimbestigahang “ghost flood control projects,” maituturing naman umanong “ghost electricity” ang kasong kinahaharap ng solar firm na iniuugnay kay Leviste.

Ayon sa Ombudsman, nakapaloob sa prangkisang ipinagkaloob sa kumpanya ang pangakong makapagprodyus ng kuryente para makatulong sa suplay ng enerhiya ng bansa, ngunit hindi umano ito natupad.

Dagdag niya, bahagi sana ng Philippine Energy Plan ang inaasahang produksyon ng kuryente mula sa naturang proyekto upang makatulong sa pagtugon sa pangangailangan ng bansa sa enerhiya.

--Ads--

Naniniwala si Remulla na ang hindi umano pagtupad ng kumpanya sa inaasahang produksyon ng kuryente ay isa sa mga salik na maaaring nakaapekto sa mataas na halaga ng singil sa kuryente.

Dahil dito, muling iginiit ng Ombudsman ang umano’y pagkabigo ng solar firm na tuparin ang mga ipinangako nito nang mabigyan ng prangkisa ng pamahalaan.

Matatandaang inanunsyo ni Remulla na isinailalim na sa preliminary investigation ang mga reklamong plunder, graft and corruption, at conflict of interest laban kay Rep. Leviste.

Kasama rin sa mga inirereklamo si Senadora Loren Legarda at dating Department of Energy Secretary Alfonso Cusi kaugnay ng naturang usapin.