Ipinahayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla nitong Martes na tinanggihan ng kanyang tanggapan ang kahilingan ni Leyte Representative Martin Romualdez na bumiyahe patungong Singapore noong Abril 21 para sa isang medical check-up.
Ayon kay Remulla, paulit-ulit na nakipag-ugnayan ang kampo ni Romualdez hanggang sa huling oras upang makakuha ng pahintulot, ngunit hindi ito pinagbigyan dahil may umiiral na Immigration Lookout Bulletin Order laban sa mga iniimbestigahan.
“Romualdez was supposed to have a check-up in Singapore… But because we have a bulletin, a lookout order with Immigration about those who are under investigation we did not respond favorably,” ani Remulla.
Dagdag pa niya, kapag pumasok sa pamahalaan, isinusuko na ang karapatang malayang makabiyahe lalo na kung may imbestigasyon. “Baka hindi na bumalik eh,” aniya.
Bukod dito, sinabi ng Ombudsman na hiniling na rin nila sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na maghain ng freeze order laban sa mga ari-arian ni Romualdez kaugnay ng umano’y money laundering. Gayunman, inamin ni Remulla na hindi magiging madali ang proseso dahil may mga pinakamahusay na abogado na kumakatawan sa kampo ng kongresista.
Samantala, iginiit ni Atty. Ade Fajardo, abogado at tagapagsalita ni Romualdez, na hindi siya ipinagbabawal na umalis ng bansa dahil ang Lookout Bulletin Order ay nangangailangan lamang ng koordinasyon sa mga awtoridad.
Binanggit din ni Fajardo na wala pang pormal na aplikasyon o freeze order mula sa AMLC at nananatiling haka-haka lamang ang mga pahayag na may nalalapit na aksyon. “Walang nakabinbing kasong kriminal o administratibo laban kay Rep. Romualdez sa ngayon,” aniya.
Dagdag pa niya, ang mga pahayag na may “kasong inihahanda” ay hindi katumbas ng aktwal na prosekusyon. “Hanggang sa ngayon, nananatiling hindi beripikado ang mga alegasyon at ang aming kliyente ay may karapatan sa presumption of innocence,” ani ni Fajardo.











