--Ads--

Tiniyak ng Office of the Ombudsman na paiigtingin nito ang pagbabantay sa pagpapatupad ng national budget upang matiyak na nagagamit nang tama ang pondo ng gobyerno at maiwasan ang mga iregularidad at korapsyon.

Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, isa sa mga mahahalagang aral na nakuha ng kanilang tanggapan mula sa isyu ng umano’y flood control scandal ay ang pangangailangang bantayang mabuti ang buong proseso ng budget implementation.

Sinabi ni Remulla na magsisilbing isa sa mga pangunahing tagapagbantay ng budget ang Ombudsman upang masuri hindi lamang ang paggastos ng mga ahensya kundi maging ang mga pagbabago at paggalaw ng pondo na maaaring magdulot ng anomalya.

Partikular na babantayan ng tanggapan ang mga detalyeng nakapaloob sa budget, kabilang ang paglilipat ng pondo mula sa programmed patungo sa unprogrammed appropriations at iba pang mga transaksyong maaaring makaapekto sa orihinal na layunin ng mga inilaan na pondo.

--Ads--

Binanggit din ni Remulla na may ilang pondong nauugnay sa right-of-way acquisitions na umano’y nawala o nailihis, na naging dahilan upang maapektuhan ang pagpapatupad ng ilang flagship programs ng administrasyong Marcos.