Hindi nagsumite ang Office of the Vice President (OVP) ng mga official receipt sa liquidation report nito para sa P125 milyong confidential funds na ginamit noong 2022, ayon kay Commission on Audit (COA) witness Atty. Roderick Wamil.
Sa ika-13 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, sinabi ni Wamil na nagsumite ang OVP at Department of Education (DepEd) ng 849 acknowledgment receipts (ARs) bilang bahagi ng liquidation report.
Ayon kay Wamil, ito ang unang pagkakataon sa kaniyang panunungkulan bilang state auditor ng COA-Intelligence and Confidential Funds Audit Office na isang ahensya ay gumamit lamang ng ARs sa pagsusumite ng liquidation documents.
Ipinaliwanag niya na ang mga ahensyang gumagamit ng confidential at intelligence funds ay kinakailangang magsumite ng mga suportang dokumento gaya ng sales invoice o official receipts upang mapatunayan ang mga gastusin.
Dagdag ni Wamil, hindi matitiyak ng COA kung aktuwal na nabili o nakuha ng isang ahensya ang mga iniulat nitong item kung walang isinumiteng official receipts o sales invoice.
Ngayong araw ay natapos na ang tatlong beses na pagtestimonya ni Atty. Roderick Wamil sa impeachment proceedings.
Nakumpleto na ang kanyang direct at cross-examination pati na ang mga clarificatory questions kaugnay ng Article I ng Articles of Impeachment na tumatalakay sa misuse of confidential funds.
Sunod namang sumalang ng prosecution ang kasalukuyang COA-ICFAO auditor Xylene Del Ocampo.
Si Del Campo ang pumalit kay dating COA-ICFAO state auditor Atty. Roderick Wamil sa pag-audit ng liquidation ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).
Siya rin ang sumuri sa tugon ng OVP sa Notice of Suspension na may petsang Disyembre 13, 2023 kaugnay ng liquidation ng confidential funds para sa taong 2022.
Batay sa kanyang pagsusuri, sinabi ni Del Campo na hindi pa rin tumugon ang isinumiteng paliwanag ng OVP sa mga kinakailangan sa ilalim ng Joint Circular No. 2015-01.
Dahil sa kanyang pagsusuri at rekomendasyon, naglabas ang COA ng Notice of Disallowance laban sa OVP noong Agosto 8, 2024.











