--Ads--

Inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod ng Santiago ang isang resolusyon na nagbibigay ng awtoridad sa City Mayor na lumagda sa Memorandum of Agreement o MOA sa pagitan ng Pamahalaang Lungsod ng Santiago at Barangay Caloocan para sa pagkakaloob ng P1 milyong financial assistance na gagamitin sa pagbili ng lote para sa mga proyektong pampubliko ng barangay.

Batay sa resolusyon, magmumula ang pondo sa ilalim ng 2025 Annual Investment Program at ipagkakaloob sa pamamagitan ng programang Aid to Barangays alinsunod sa umiiral na accounting, budgeting at auditing rules and regulations.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Quinton Romero ng Caloocan, sinabi niya na magdadagdag din ang barangay ng sariling pondo upang makabili ng lupang pagtatayuan ng mga pasilidad na magpapalawak sa mga serbisyong ibinibigay sa mga residente.

Kabilang sa mga planong itayo sa naturang lote ang isang mas malawak na health center upang matugunan ang lumalaking pangangailangan ng mga mamamayan, lalo na’t limitado na ang espasyo ng kasalukuyang pasilidad. Maglalaan din ng espasyo para sa tanggapan ng mga senior citizen at ng Barangay Disaster Risk Reduction and Management Office.

--Ads--

Nakatakda ring maging dalawang palapag ang itatayong gusali upang magsilbing pasilidad sa panahon ng kalamidad, partikular sa mga lugar sa barangay na madalas makaranas ng pagbaha.

Sinabi ni Punong Barangay Romero na malaking tulong ang naturang proyekto sa pagpapalawak ng mga serbisyong pangkalusugan, paghahanda sa kalamidad at iba pang programang pangkomunidad para sa mga residente ng Barangay Caloocan.