--Ads--

Hindi humarap si Vice President Sara Duterte sa Quezon City Regional Trial Court nitong Biyernes sa kabila ng inilabas na warrant of arrest laban sa kanya kaugnay ng tatlong bilang ng grave threats.

Inilabas ng QC RTC Branch 98 ang warrant matapos makitaan ng probable cause para litisin si Duterte sa mga naturang kaso.

Kasunod nito, nagdagdag ng police personnel sa Quezon City Regional Trial Court matapos humiling ng karagdagang puwersa ang korte.

Nakita rin sa loob ng court premises ang isang backdrop na ginagamit para sa mugshot, bilang paghahanda sakaling dumating ang bise presidente.

--Ads--

Gayunman, hindi nagpakita si Duterte sa korte hanggang alas-6 ng gabi nitong Biyernes.

Kalaunan, umalis din sa court premises ang karagdagang mga pulis at ilang personnel ng Branch 98.

Samantala, tiniyak ng abogado ni Duterte na si Paul Lawrence Lim na walang intensiyon ang bise presidente na umiwas sa batas at patuloy nitong gagamitin ang lahat ng legal na remedyo.

Noong unang bahagi ng Agosto, nagsampa ang Department of Justice ng tatlong bilang ng grave threats laban kay Duterte.

Nag-ugat ang mga kaso sa mga pahayag ng bise presidente na mayroon umano siyang inatasang pumatay kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling magtagumpay umano ang isang planong laban sa kanya.

Bilang tugon, naghain si Duterte ng motion to quash at kinuwestiyon ang hurisdiksiyon ng korte sa mga kasong isinampa laban sa kanya.

Iginigiit ng kanyang kampo na bilang isang impeachable officer, mayroon siyang limitadong procedural immunity laban sa criminal prosecution habang nanunungkulan, alinsunod sa 1987 Constitution.

Gayunman, ibinasura ng korte ang mosyon matapos itong makitang walang sapat na merito, ayon sa DOJ.

Nauna nang dininig ng korte noong Agosto ang oral arguments kaugnay ng motion to quash.

Ang mga pahayag ni Duterte na naging batayan ng grave threats cases ay bahagi rin ng isa sa mga Article of Impeachment na kinakaharap niya sa nagpapatuloy na impeachment trial sa Senado.