Upang maprotektahan ang bansa laban sa pabago-bagong presyo ng langis at biglaang kakulangan sa suplay, isinusulong ngayon sa Kamara de Representantes na gamitin ang bilyun-bilyong pisong kita mula sa Malampaya Deep Water Gas-to-Power Project para sa pagpapatayo ng mga strategic fuel reserves.
Ayon kay House Minority Leader Marcelino Libanan, dapat samantalahin ng pamahalaan ang nakokolektang royalties mula sa proyekto upang pondohan ang pagtatayo ng mga coastal petroleum storage facilities sa ilalim ng Philippine National Oil Company (PNOC).
Batay sa huling datos ng Budget of Expenditures and Sources of Financing (BESF), umabot na sa ₱200 bilyon ang nakolektang pondo ng gobyerno mula sa Malampaya mula taong 2014 hanggang 2024.
Katumbas ito ng ₱18.2 bilyong average na kita kada taon.
Paliwanag ni Libanan, inaasahang mas lalaki pa ang papasok na pondo sa kaban ng bayan sa mga susunod na taon kasunod ng matagumpay na drilling ng dalawang panibagong gas wells sa naturang pasilidad.
Dahil ang mga nakokolektang royalties ay inilalaan para sa energy development, giit ng mambabatas na nararapat lamang itong ibuhos sa pagpapalakas ng fuel storage capacity ng Pilipinas.
Saklaw ng mungkahing ito ang pag-iimbak ng mga pangunahing produktong petrolyo, kabilang ang diesel, gasolina, at aviation fuel.
Sa pamamagitan ng hakbang na ito, layunin ng mambabatas na matiyak na mayroong sapat at nakahandang suplay ang bansa sakaling magkaroon ng krisis sa enerhiya o biglaang pagtaas ng presyo sa pandaigdigang merkado.








