--Ads--

Inilarawan ng retiradong branch manager ng Land Bank of the Philippines (LandBank)-Shaw Boulevard na si Violeta Constantino bilang hindi pangkaraniwan ang apat na cash withdrawal na tig-₱125 milyon ng Office of the Vice President (OVP), na may kabuuang halaga na ₱500 milyon.

Sa pagpapatuloy ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte nitong Miyerkules, sinabi ni Constantino na sa loob ng kanyang 32 taong panunungkulan sa LandBank, ito ang pinakamalaking cash withdrawal na kanyang nahawakan.

Ipinaliwanag niya na karamihan sa mga ahensya ng pamahalaan ay gumagamit na ng online transactions o tseke sa kanilang mga pagbabayad kaya bihira na ang malalaking cash withdrawals.

Gayunman, nilinaw ni Constantino na bagama’t hindi pangkaraniwan ang naturang transaksyon, dumaan naman ito sa tamang proseso matapos magbigay ng advance notice ang OVP upang maihanda ng bangko ang kinakailangang halaga ng pera.

--Ads--

Ayon pa sa kanya, ang bawat ₱125 milyong cash withdrawal ay inilagay sa apat na gym bags at inilabas sa bangko gamit ang trolley. Wala ring ginamit na armored vehicle dahil wala umanong kasunduan ang LandBank at OVP para sa cash delivery at hindi rin ito hiniling ng tanggapan.

Sinabi rin ni Constantino na hindi na tinanong ng LandBank kung saan gagamitin ang perang winithdraw at wala rin silang kaalaman noong panahong iyon na may kaugnayan ito sa confidential o intelligence funds.

Samantala, iginiit ni senator-judge Alan Peter Cayetano na ang pagiging hindi pangkaraniwan ng isang transaksyon ay hindi nangangahulugang ito ay labag sa batas.

Sumang-ayon naman si Constantino at sinabi na walang naging paglabag sa proseso ng pag-encash ng mga tseke dahil kumpleto ang mga dokumento at awtorisado ang kumuha ng pera.

Kinumpirma rin ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang pagiging tunay ng mga ipinakitang tseke na pinondohan ng Philippine Treasury at legal na na-encash ng dating OVP Special Disbursing Officer na si Gina Acosta.