Pinal na umano ang utos ng Commission on Audit (COA) sa Office of the Vice President (OVP) na ibalik ang P73 milyong confidential funds na ginastos noong 2022, maliban kung magpalabas ng temporary restraining order (TRO) ang Supreme Court, ayon kay state auditor at Atty. Roderick Wamil.
Ipinaliwanag ni Wamil, prosecution witness sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, na naglabas ang COA ng notice of disallowance dahil hindi sapat ang mga dokumentong isinumite ng OVP upang patunayan kung paano ginastos ang pondo.
Sa ika-13 araw ng impeachment trial, sinabi ni Wamil sa pagtatanong ni Senator-judge Imee Marcos na kahit magsampa ng petisyon sa Supreme Court ang OVP, kailangan pa ring ibalik ang halagang ipinag-utos ng COA dahil hindi awtomatikong napipigil ng apela ang obligasyong magsauli ng pondo.
Nilinaw naman ni Senate impeachment court presiding officer Francis “Chiz” Escudero kung ang ibig sabihin ni Wamil ay nananatiling pinal ang desisyon ng COA habang wala pang inilalabas na TRO ang Supreme Court, na kanyang kinumpirma.
Gayunman, iginiit ni Sen. Marcos na maaari pa ring iapela ang notice of disallowance at hindi pa umano tapos ang usapin.
Tinanong din ni Sen. Marcos kung nakasaad ba sa notice of suspension ng COA na ginamit ni Vice President Duterte ang confidential funds para sa personal na interes.
Ayon kay Wamil, hindi kinakailangang direktang sabihin ito dahil may umiiral na presumption sa ilalim ng Joint Circular No. 2015-01 na ang hindi ma-liquidate na pampublikong pondo ay maaaring ituring na nagamit sa personal na layunin ng accountable officer.









