--Ads--

Pinaigting ng Lokal na Pamahalaan ng Santiago City ang pagmomonitor sa mga pananim sa iba’t ibang barangay upang agad na matukoy ang posibleng pag-atake ng peste at sakit sa mga pananim, partikular sa palay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Agriculturist Dominador Fernandez Jr., ang hepe ng City Agriculture Office, sinabi niyang may nakatalagang agricultural extension worker sa bawat barangay upang tutukan ang kalagayan ng mga pananim ng mga magsasaka.

‎Aniya, nasa humigit-kumulang siyam na libong ektarya ang taniman ng palay sa lungsod na itinuturing na pangunahing pananim sa lugar.

‎Ipinaliwanag pa ni Fernandez na sa kabuuang 37 barangay ng lungsod, 27 ang may mga lupang sakahan kung saan matatagpuan ang iba’t ibang pananim gaya ng palay, mais, at tubo.

‎Sinabi rin niya na regular na minomonitor ng mga agricultural extension worker ang kondisyon o standing ng mga pananim sa mga nasabing lugar upang agad na matukoy kung mayroong peste o sakit na maaaring makaapekto sa produksyon.
‎‎
‎Sa pamamagitan nito, mas mabilis umanong naibibigay ng City Agriculture Office ang kaukulang payo at tulong sa mga magsasaka upang mapanatili ang maayos na produksyon ng mga pananim sa lungsod.