Nag-anunsyo ang United Arab Emirates (UAE) nitong Martes na opisyal na itong kumalas sa OPEC at OPEC+, isang hakbang na itinuturing na mabigat na dagok sa samahan ng mga bansang nag-e-export ng langis. Nangyari ito sa gitna ng digmaan sa Iran na nagdulot ng makasaysayang krisis sa enerhiya at matinding pagkabahala sa pandaigdigang ekonomiya.
Ang mga bansang kasapi sa OPEC sa Gulf Region ay nahihirapang magpadala ng kanilang mga produkto sa pamamagitan ng Strait of Hormuz—isang makitid na daanan sa pagitan ng Iran at Oman kung saan dumaraan ang 5% na bahagi ng suplay ng krudo at liquefied natural gas sa buong mundo—dahil sa mga banta at pag-atake ng Iran laban sa mga barko.
Samantala, binatikos ni Pangulong Donald Trump ng Estados Unidos ang OPEC, na umano’y “nanlalamang sa buong mundo” sa pamamagitan ng pagpapataas ng presyo ng langis. Ayon pa kay Trump, ginagamit ng mga bansang kasapi ang proteksyong militar ng Amerika habang pinapatawan ng mataas na presyo ang pandaigdigang merkado.
Ang desisyon ng UAE ay kasunod ng kanilang pagkadismaya sa kakulangan ng suporta mula sa kapwa bansang Arabo sa harap ng mga pag-atake ng Iran. Sa Gulf Influencers Forum, sinabi ni Anwar Gargash, diplomatic adviser for the UAE president, na mahina ang naging tugon ng Gulf Cooperation Council (GCC) sa usaping pampulitika at militar.
Dagdag pa niya, inaasahan na niya ang ganitong kawalan ng aksyon mula sa Arab League, ngunit ikinagulat niya ang kahinaan ng GCC.










