--Ads--

Ikinatuwa ni Mayor Caesar “Jaycee” Dy Jr. ang pagkakahuli sa isang vlogger na sangkot sa umano’y mapanganib na pagmamaneho sa Cauayan City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ng alkalde na matagal na nilang binabantayan ang naturang indibidwal dahil sa mga ulat ng delikadong pagmamaneho sa lansangan.

Ayon kay Mayor Dy, marami na ring insidente ang iniuugnay sa naturang vlogger at nakatanggap na rin ng reklamo mula sa mga residente kaugnay ng kanyang reckless driving.

Dagdag pa ng alkalde, siya mismo ay naghain ng liham sa Land Transportation Office upang aksyunan ang nasabing usapin at maiwasan ang posibleng aksidente sa kalsada.

--Ads--

Binigyang-diin nito na hindi dapat tinotolerate ang ganitong gawain dahil nagiging maling halimbawa ito lalo na sa mga kabataang motorista.

Giit pa ni Mayor Dy, ang pagmamaneho ay isang pribilehiyo kaya nararapat lamang na sundin ang mga batas-trapiko upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng lansangan.