--Ads--

Paiigtingin ng Pamunuan ng barangay Sinamar Norte, San Mateo, Isabela ang pagbabantay sa bypass road matapos ang mag-viral ang illegal drag racing na isinagawa ng mga kabataan sa kanilang nasasakupan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Ysmael Sable ng Sinamar Norte, sinabi niya na mayroon silang lookout sa bahagi ng bypass road na siyang nag-uulat kapag may nagaganap na karerahan sa lugar. Gayunman, naitaon na wala ito noon sa lugar nang maganap ang viral drag race.

Aniya, matapos mag-viral ang naturang video, nagronda na ang mga opisyales ng barangay sa nasasakupan nilang bypass mula alas-4 ng hapon hanggang sa mag-gabi na oras kung kailan kadalasang nagsasagawa ng karerahan sa lugar.

Ayon sa Punong barangay, 2024 pa umano nang huling magkaroon ng illegal drag race sa kanilang lugar kung saan dalawa sa mga rider na sangkot ang nahuli ng mga awtoridad.

--Ads--

Dahil sa muling ginawang karerahan ang bypass road sa Sinamar Norte, hinabaan na nila ang oras ng pagbabantay sa lugar at nakipag-ugnayan na rin sa Philippine National Police para sa karagdagang pwersa.

Ilan umano sa mga kabataang nakuhanan ng video ay mula rin sa Sinamar Norte subalit karamihan sa mga ito ay taga karagtig na barangay gaya ng San Marcos.

Pinaalalahanan naman ni Sable ang mga magulang na pagsabihan at gabayan ng maayos ang kanilang mga anak na huwag sumali sa mga ganitong klase ng aktibidad upang mailayo ang mga ito sa kapahamakan.