--Ads--

‎Nagbigay ng reaksyon ang Bise Alkalde ng Reina Mercedes na si Atty. Harold Respicio sa naging desisyon ng Kamara na ibasura ang impeachment complaint na inihain ng kanilang grupo laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ‎ ‎

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Harold Respicio sinabi niya na inaasahan na umano nila ang posibleng kahihinatnan ng kanilang paghahain ng impeachment complaint.

Ayon sa kanya, batid na nila na maaaring hindi ito umusad, subalit iginiit niyang kuwestyunable ang naging pagtanggi ng Kamara sa kanilang reklamo. ‎ ‎

Ipinaliwanag pa ng bise alkalde na nakahanda na umano ang kanilang mga testigo at mga dokumento na magsisilbing matibay na ebidensya sa kanilang mga alegasyon.

Gayunman, dahil sa pagharang sa kanilang complaint, hindi na nila ito naiprisinta sa pormal na proseso ng Kamara. ‎ ‎

Dagdag pa ni Respicio, sa kabila ng naging desisyon, hindi sila titigil sa kanilang kampanya at patuloy pa rin nilang ilalabas ang kanilang mga hawak na impormasyon.

Aniya, sa mga susunod na linggo ay aabangan ng publiko ang kanilang mga isisiwalat, dahil mabibigat na detalye umano ang kanilang ihahayag. ‎ ‎

Binigyang-diin din niya na bagama’t hindi naiprisinta ang kanilang mga testigo sa mismong proceedings, ipagpapatuloy pa rin nila ang kanilang laban kontra korapsyon sa labas ng proseso, partikular sa social media, upang malaman ng publiko ang kanilang mga sinasabing ebidensya. ‎ ‎

Sa ngayon, nananatili ang kanilang paninindigan na dapat umanong mabigyan ng pagkakataon ang kanilang mga testigo at dokumento na marinig at masuri sa tamang proseso.