Ipinaliwanag ng PAGASA-DOST na hindi pangkarinawan ang Super El Niño kasunod ng pahayag ng naturang ahensya na posible itong maranasan sa Pilipinas sa mga susunod na buwan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Chief Meteorologist Ramil Tuppil ng PAGASA-DOST – Echague, Isabela, sinabi niya na ang Super El Niño ay ang biglaan o mabilis na pagtaas ng temperatura sa dagat.
Aniya hindi ito kagaya ng mga nararanasang normal na El Niño sa bansa na unti-unti ang pag-init ng temperatura.
Ang very strong o Super El Niño na tumama sa bansa ay naranasan noon pang 1982-1983, 1991-1992, 1997-1998, at ang pinakahuli ay noong 2015-2016.
Ayon kay Tuppil, malala ang naging epekto ng mga El Niño episodes na ito sa mga nakalipas na taon subalit paglilinaw niya na hindi pare-pareho ang magiging epekto nito. Gayunman, kailangan pa rin itong paghandaan ng publiko.
Makikita aniya sa mga climatology at models na ginagamit ng mga eksperto na ngayon pa lamang ay napakataas na ang probability ng El Niño kung saan pagsapit ng May, June, at July ay nasa 60% na ito na maari pang pumalo hanggang 80% pagsapit ng August.
Dahil dito, anumang araw ngayong Linggo ay magpapalabas na ng El Niño alert ang PAGASA.
Kapag nararanasan ang El Niño ay below normal ang mararanasang mga pag-ulan, lalo na sa huling quarter ng kasalukuyang taon hanggang sa una at pangalawang quarter ng sumunod na taon.
Bagama’t mas mababa ang tiyansa ng pag-ulan sa ganitong uri ng panahon ay mas magiging malakas naman ang mga bagyo na posibleng maranasan dahil kapag mataas ang temperatura sa dagat ay mas maraming water vapor ang napo-produce.











