Nagsimula na ang mga paghahanda para sa paghahatid sa huling hantungan kay Pope Francis, na ililibing sa Basilica of St. Mary Major sa Roma, Italya.
Ang pagpanaw ng isang Santo Papa ay hudyat ng pagsisimula ng serye ng mga sinaunang ritwal at tradisyon ng Simbahang Katolika, kabilang na ang mga hakbang na kailangang isagawa bago ang pagdaraos ng conclave para sa pagpili ng kanyang magiging kahalili.
Unang isinagawa ang opisyal na kumpirmasyon ng kamatayan ng Papa, na susundan ng public viewing sa kanyang mga labi. Ito ay upang mabigyan ng pagkakataon ang mga mananampalataya na maghandog ng panalangin at huling pagpupugay.
Matatandaang noong nakaraang taon, inamyendahan mismo ni Pope Francis ang mga ritwal para sa kanyang libing upang mas tumugma sa makabagong teolohikal at pastoral na pananaw, habang pinananatili ang pagpaparangal sa matagal nang tradisyon ng Simbahan.
Kabilang sa mga pangunahing pagbabagong ipinatupad ay ang pag-alis sa dating tatlong-kabaong na sistema na gawa sa sipres, tingga, at roble. Sa halip, ang kanyang katawan ay ilalagay na lamang direkta sa isang kabaong.
Sa bagong ayos, hindi na rin ipapakita ang kanyang labi sa ibabaw ng bier gaya ng mga nakasanayang libing ng mga naunang Papa, kundi ang kaniyang mga labi ay ilalagak sa loob ng saradong kabaong.
Isa pa sa mga repormang isinagawa ay ang pagbibigay-pahintulot na ang kumpirmasyon ng pagkamatay ng Papa ay gawin sa kanyang personal na kapilya sa halip na sa kanyang silid-tulugan. Si Pope Francis ay nanirahan sa Santa Marta guesthouse sa halip na sa Apostolic Palace, at may pribadong kapilya sa loob nito.
Noong Martes, nagtungo ang mga cardinal sa St. Peter’s Square para dumalo sa pulong kaugnay ng nalalapit na libing at ang conclave. Ayon sa Vatican, humigit-kumulang 60 kardinal ang dumalo sa paunang pagpupulong upang talakayin ang mga susunod na hakbang.
Napagdesisyunan sa pulong na simula Miyerkules, papayagan na ang publiko na magbigay-galang sa yumaong Santo Papa sa St. Peter’s Basilica.
Wala pang itinakdang petsa para sa conclave, ngunit ayon sa mga kasalukuyang alituntunin ng Simbahan, hindi ito maaaring magsimula bago ang ika-5 ng Mayo.
Sa panahong tinatawag na sede vacante—ang panahon sa pagitan ng mga papa, tatlong kardinal ang inatasang tumulong sa camerlengo na si Cardinal Kevin Farrell sa pamamahala sa Vatican. Sila ay sina Cardinal Pietro Parolin, Kalihim ng Estado ng Vatican, Cardinal Stanisław Ryłko ng Poland, archpriest ng Basilica of St. Mary Major, at Cardinal Fabbio Baggio ang Under-Secretary of the Migrants and Refugees Section ng Vatican.
Inaasahang isagawa ang libing sa darating na Sabado, ika -26 ng Abril at inaasahang dadaluhan ito ng mga pinuno ng simbahan mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo, mga world leaders gayundin ng libu-libong mananampalataya.