Pinaiigting ng pamahalaang panlungsod ng Santiago ang mga hakbang upang mapabuti ang kaligtasan ng publiko sa pamamagitan ng pagpapalawak ng paglalagay ng mga street light at unti-unting pagsasaayos ng mga kalsada sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Councilor Anton Phoenix Abaya, sinabi nito na kabilang sa mga prayoridad ng lokal na pamahalaan ang paglalagay ng mga street light sa mga pampublikong imprastraktura at sa mga kalsadang kulang pa sa sapat na ilaw.
Aniya, layunin nitong mabawasan ang panganib ng aksidente at makatulong sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad, lalo na sa mga lugar na madalas daanan ng mga motorista at pedestrian.
Bukod sa pagpapailaw sa mga pangunahing lansangan, sinabi rin ni Abaya na isinusulong ng lokal na pamahalaan ang rehabilitasyon ng mga kalsadang nangangailangan ng pagkukumpuni.
Gayunman, inamin niyang hindi agad maisasagawa ang lahat ng proyekto dahil sa mga umiiral na usapin na nakaaapekto sa pagpapatupad ng ilang road infrastructure projects.
Dahil dito, isinasagawa ang mga proyekto nang paunti-unti habang patuloy na naghahanap ng mga angkop na solusyon ang lungsod.
Ayon pa sa konsehal, sa tulong ng pamunuan ng lungsod ay unti-unting tinutugunan ang mga pangangailangan sa imprastraktura upang matiyak na ang mga proyekto ay maisasakatuparan sa maayos at naaayon sa mga umiiral na proseso.
Binigyang-diin din ni Abaya na mahalaga ang pakikiisa ng publiko sa pangangalaga ng mga pampublikong imprastraktura. Aniya, ang mga street light, kalsada, at iba pang pasilidad ay pinondohan mula sa pondo ng bayan kaya nararapat lamang na gamitin at pangalagaan ng mamamayan nang may pananagutan upang mapakinabangan ang mga ito sa mas mahabang panahon.
Dagdag pa niya, ang pangangalaga sa mga pampublikong ari-arian ay hindi lamang responsibilidad ng pamahalaan kundi ng buong komunidad, sapagkat ang maayos na imprastraktura ay may direktang ambag sa kaligtasan, kaayusan, at patuloy na pag-unlad ng Santiago City.
Home Local News
Paglalagay ng street lights at rehabilitasyon ng mga kalsada, pinaiigting ng LGU Santiago
--Ads--











