Iminungkahi ni Senator Imee Marcos ang pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa pamamagitan ng inihain nitong Senate Bill No. 2067, kung saan ililipat ang halalan mula Nobyembre 2026 patungong Oktubre 2027.
Ayon sa panukala, may pangamba na maaaring hindi makalahok ang maraming botante dahil sa posibleng mataas na gastos sa pamasahe bunsod ng pagtaas ng presyo ng langis.
Nakasaad din na kung maipagpapaliban ang eleksyon, magpapatuloy ang serbisyo ng mga kasalukuyang opisyal ng barangay, na makatutulong umano upang mas matutukan nila ang pangangailangan ng kanilang mga komunidad sa gitna ng umiiral na krisis.
Binigyang-diin din sa panukala ang inaasahang malaking gastusin para sa halalan, na tinatayang aabot sa P16 bilyon ayon sa Commission on Elections (COMELEC), bukod pa sa dagdag na pondo mula sa Philippine National Police, Department of Education, at mga lokal na pamahalaan.
Giit ng senadora, mas makabubuting ilaan muna ang naturang pondo sa mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan tulad ng pagkain, krudo, at iba pang mahahalagang serbisyo.
Dagdag pa niya, malapit ang iskedyul ng halalan sa paggunita ng Undas, kung saan inaasahang dadagsa ang mga biyahero at tataas ang pamasahe.
Para kay Marcos, nararapat bigyan ng pagkakataon ang mga Pilipino na makapaggunita ng Undas nang walang abala ng eleksyon at aktibidad na may kaugnayan sa pulitika.










