Dumulog sa Korte Suprema ang mga umano’y biktima ng war on drugs at mga komunidad na naapektuhan ng Oplan Double Barrel sa ilalim ng administrasyong Duterte upang hilingin na pormal nang ideklarang labag sa Saligang Batas ang kampanya.
Sa pamamagitan ng isang manifestation at urgent motion for resolution, umapela ang mga petitioner sa mataas na hukuman na mag-isyu ng writ of amparo at ideklarang “unconstitutional, invalid, illegal, at unenforceable” ang Command Memorandum Circular (CMC) No. 16-2016 na siyang naglunsad ng naturang operasyon laban sa ilegal na droga.
Binigyang-diin ng mga petitioner, sa pangunguna ng kanilang mga abogadong sina Atty. Gilbert Andres at Atty. Joel Butuyan, na hanggang ngayon ay hindi pa opisyal na binabawi ang mga naturang kautusan kaya maaari pa itong magamit ng mga pulis bilang legal na depensa.
Kabilang sa mga pangunahing respondent sa petisyon ang Philippine National Police (PNP) at ang dating hepe nito na si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa.
Si Dela Rosa ay kasalukuyan ding nagtatago mula sa mga awtoridad kasunod ng arrest warrant na inisyu laban sa kanya ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng parehong usapin.










