--Ads--

Inatasan ng Senate impeachment court si Vice President Sara Duterte na humarap sa paglilitis na nakatakda sa Lunes, Hulyo 6.

Nakapaloob ang direktiba sa notice na may petsang Hulyo 2 para kay Duterte, na nilagdaan ni Senate President Sherwin Gatchalian bilang presiding officer ng korte.

Nabigyan din ng kopya ng notice ang prosecution team.

Ayon kay Senate Secretary at Impeachment Clerk of Court Renato Bantug, maaaring dumalo si Duterte sa paglilitis nang personal o sa pamamagitan ng kanyang mga abogado.

--Ads--

Sinabi ni Bantug na handa na ang korte para sa pagsisimula ng impeachment trial proceedings sa Lunes.

Sa pagbubukas ng paglilitis, pormal na ihaharap ang mga miyembro ng depensa at prosekusyon bago ang kanilang opening statements.

Inaasahang si Sen. Gatchalian ang mangangasiwa sa paglilitis maliban kung magpasya ang Senado, sa pamamagitan ng majority vote, na magtalaga ng ibang senador bilang presiding officer.

Ayon pa kay Bantug, wala pa siyang natatanggap na pinal na instruksyon hinggil sa magiging pasya ng Impeachment Court kaugnay ng presiding officer at kinakailangang hintayin ang magiging desisyon sa Lunes.