--Ads--

Pinarangalan ng Pamahalaang Lungsod ng Cauayan ang mga estudyanteng nag-uwi ng karangalan sa lungsod sa larangan ng sports, journalism, at iba’t ibang talento.

Kinilala ang mga mag-aaral na lumahok at nagtagumpay sa Cagayan Valley Regional Athletic Association (CAVRAA), National Secondary Schools Press Conference (NSPC), at National Festival of Talents (NFOT), kung saan ginawaran sila ng cash incentives bilang pagkilala sa kanilang ipinakitang husay.

Ayon sa lokal na pamahalaan, tumanggap ng ₱10,000 ang bawat gold medalist, ₱7,000 ang silver medalist, at ₱5,000 naman ang bronze medalist.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Mayor Caesar “Jaycee” Dy Jr., binigyan diin niya na mahalagang kilalanin ang sakripisyo at pagsusumikap ng mga estudyante na nagdala ng karangalan sa lungsod sa iba’t ibang kompetisyon.

--Ads--

Giit pa ng alkalde, dala ng mga kabataan ang pangalan ng Cauayan sa mga patimpalak kaya nararapat lamang na suportahan sila ng lokal na pamahalaan bilang motibasyon upang lalo pang paghusayin ang kanilang talento.

Umaasa rin ang lokal na pamahalaan na mas lalo pang magpupursige ang mga atleta at kalahok sa kanilang paghahanda para sa Palarong Pambansa, sa tuloy-tuloy na suporta ng lungsod.