--Ads--

Bumuo ng Isabela Road Safety Action and Operations Team ang Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela upang tugunan ang pagtaas ng bilang ng mga vehicular accidents sa Lalawigan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Public Safety Officer Kim Patrick Agbayani, sinabi niya na nitong Pebrero a-trese ay nagpatawag ng pulong si Isabela Governor Rodito Albano III sa hanay ng mga Law Enforcement Agencies sa pangunguna ng Public Safety Office upang tutukan ang naturang usapin.

Ito ay alinsunod sa inaprubahang Executive Order No. 10 ni Gov. Albano na naglalayong muling mag-organisa ng Road Safety Council na nagsimula pa noong 2018 na ngayon lamang ulit in-activate.

Ilan sa mga miyembro nito ay ang Presidente ng Isabela State University, DPWH District Engineers, at iba pang mga stakeholders.

--Ads--

Batay sa datos, pumangalawa ang Isabela sa may pinakamaraming vehicular accident sa Region 2 sumunod sa Lalawigan ng Cagayan.

Dahil dito ay mas paiigtingin ang pagpapatupad sa mga batas-trapiko at iba pang ordinansa na may kaugnayan sa naturang usapin.

Ang Isabela Police Provincial Office, Highway Patrol Group, Land Transpostation Office, at iba pang kasapi ng operations team ay ipakakalat sa mga strategic areas tulad na lamang sa Reina Mercedes, Naguilian, Ilagan City, Roxas, Echague, at Cordon upang mabantayan ang mga motorista na bumabaybay sa mga pangunahing kalsada.